Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isang 15-anyos na menor de edad matapos ang pamamaril sa Sitio Pinagayao, Barangay Kauran, gabi ng Marso 17, 2026.
Kinilala ang nasawi bilang si “Boy Dading,” isang magsasaka at residente ng nasabing lugar. Sugatan naman ang 15-anyos na si “Amir,” na tinamaan ng ligaw na bala sa kanang braso.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-10:25 ng gabi habang nanonood ng larong basketball na “three-ball” ang mga biktima. Bigla umanong sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima mula sa likuran, na agad nitong ikinasawi.
Nadamay naman ang menor de edad matapos tamaan ng ligaw na bala sa gitna ng insidente.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa masukal na bahagi ng lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng tatlong basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen, bagamat hindi pa matukoy ang uri at kalibre ng mga ito.
Dinala ng pamilya ang labi ng nasawing biktima sa kanilang tahanan, habang agad namang isinugod sa IPHO Hospital ang sugatang menor de edad upang mabigyan ng agarang lunas.
Kaagad nagsagawa ng joint response ang mga kapulisan at militar, kabilang ang pagpapatupad ng dragnet operation sa mga karatig na lugar upang matunton ang mga suspek na nananatiling at-large.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Ampatuan Municipal Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima at mga saksi, upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at maisagawa ang kanilang agarang pag-aresto.

















