Naligo sa dagat ang isang lalaki ngunit nauwi ito sa trahedya matapos siyang mabagok at malunod sa isang beach resort sa Barangay Alindahaw, nitong Sabado.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Alfonso,” 36 taong gulang, empleyado ng Zamboanga del Sur Medical Center at residente ng Barangay Lapedian, Pagadian City.
Batay sa paunang imbestigasyon, dumalo si Alfonso sa kaarawan ng kanyang pamangkin na ginanap sa Fantasea Beach Resort. Habang naliligo sa dagat, aksidente umano siyang nadulas at nabagok ang ulo, dahilan upang mawalan ng malay at tuluyang malunod.
Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklara na itong dead on arrival. Ayon sa mga doktor, posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay ay traumatic brain injury dulot ng matinding pagkabagok.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang buong detalye ng insidente.