Isang lalaki ang binawian ng buhay matapos malunod sa Matingao River sa Barangay Balabag, Kidapawan City kaninang umaga.

Kinilala ang biktima na si Joseph Linatoc, residente rin ng naturang lugar. Ayon sa ulat, abala umano si Linatoc sa pangunguha ng buhangin sa ilog nang mapansin ng ilang tao na bigla itong nawalan ng malay at lumutang sa tubig.

Hinala ng mga nakasaksi, inatake ito habang nasa gitna ng ilog kaya nahirapan nang makaahon hanggang sa tuluyang malunod. Agad naman siyang sinubukang sagipin ngunit hindi na nailigtas.

Sa ngayon ay patuloy na nagluluksa ang pamilya ng biktima. Inaalam pa ng mga awtoridad sa pamamagitan ng post-mortem examination kung ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay pagkalunod o atake sa puso.