Isang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa isang construction site sa Block 19B, Zenaida Subdivision, Barangay Rosary Heights 8, Cotabato City, kahapon ng umaga, Hulyo 28, 2025.
Kinilala ang biktima na si Edwin Gallardo Baya, Jr., 34-anyos, isang drayber at residente ng naturang lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naiwan umano si Baya sa lugar ng konstruksyon kasama ang kasamahan niyang si Rodel Gangci, isang laborer mula Matalam, North Cotabato. Ang dalawa ang iniwang magbantay sa site habang pansamantalang umuwi sa Midsayap, Cotabato ang iba pang mga trabahador noong Hulyo 26.
Pagbalik ng kanilang mga kasamahan, tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima sa loob ng site. May mga tama ito ng taga sa ulo at sa bahagi ng kili-kili. Wala naman sa lugar si Gangci, na ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad bilang pangunahing suspek.
Sa crime scene, narekober ang isang bolo, kutsilyo, at pares ng tsinelas na may bakas ng dugo at pinaniniwalaang pagmamay-ari ng suspek.
Ayon sa pulisya, posibleng hindi pagkakaunawaan ang dahilan ng pananaksak at pamamaslang.
Ang labi ng biktima ay dinala na sa isang punerarya sa lungsod para sa kaukulang disposisyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matunton ang kinaroroonan ng suspek at mabigyang-linaw ang buong pangyayari.