Agad na namatay ang isang lalaki matapos itong ratratin ng di pa tukoy na mga armado sa Barangay Pagatin, bayan ng Datu Salibo Maguindanao del Sur kahapon.

Sa ulat ng PNP, kinilala ang biktima na si Benjamin Galdonez y De Jesus, 38 anyos at isang salesman na nakatira sa Quezon City. Base sa imbestigasyon, naglalakad umano si Galdonez kasama si Jonathan Mazo patungo sa palengke upang mamili ng lagari at iba pang panggawa ng bahay ng bigla na lang itong barilin ng mga suspek.

Mapalad na di nasaktan si Mazo sa nasabing pamamaril. Matapos namang maisakatuparan ang krimen, nakatakas ang suspek sakay ng motor na walang plaka patungo sa siyudad ng Tacurong.

Blangko naman ang PNP sa motibo ng suspek ngunit nagpapatuloy ang masinsinang imbestigasyon sa insidente.