Patay ang isang lalaking motorcycle rider matapos pagbabarilin habang bumabaybay sa kahabaan ng highway sa pagitan ng Upi at Cotabato City sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon, Mayo 28.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Danilo Pascual, may-ari ng isang letsunan sa Cotabato City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng DOS PNP na pinangunahan ni PSSg. Alipulo Diocolano, pauwi sana si Pascual sakay ng isang kulay gray-orange na Honda Click na walang plaka nang mangyari ang insidente.

Tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril ang agarang ikinasawi ng biktima.

Ayon sa mga residente sa lugar, isang malakas na putok lamang ang kanilang narinig mula sa labas. Nang kanilang silipin, tumambad na sa kanila ang duguang katawan ni Pascual.

Hinihinalang kumuha lang ng tiyempo ang suspek na barilin ang biktima kung kaya’t tinapos na nito ang buhay ni Pascual sa lugar.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.