Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok Mahigugmaon, Mother Barangay Rosary Heights sa Cotabato City ngayong gabi ng Martes, March 10, 2026.

Kinilala ang biktima na si Tho Ali Villanueva Kamid, 40-anyos at residente ng Rosary Heights 10 sa nasabing lungsod.

Batay sa update ng imbestigasyon ng Cotabato City Police, naganap ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi habang nakatayo ang biktima malapit sa kanyang puting Honda Click motorcycle sa pinakaloob na bahagi ng Purok Mahigugmaon.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na tila may hinihintay na ka-transaksyon ang biktima at nagkaroon pa ng maikling pag-uusap ang dalawa bago ito pinagbabaril ng limang beses ng suspek gamit ang hindi pa matukoy na baril.

Tinamaan ang biktima sa kaliwang bahagi ng tenga, kaliwang kilikili at kanang siko habang walang narekober na basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.

Isinugod pa ang biktima sa Cotabato Regional Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Agad namang tumakas ang suspek na inilarawang nakasuot ng itim na jacket at puting bullcap patungo sa direksyon ng Purok Kambal sa parehong barangay.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang cellphone ng biktima at mga nakuhang CCTV footage habang nagpapatuloy ang follow-up operations at imbestigasyon sa hinihinalang drug-related na motibo sa krimen.