Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Purok Pag-asa, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City, pasado hatinggabi ng Huwebes, Hunyo 26.

Kinilala ng Cotabato City Police Station 2 ang biktima na si Asraph G. Karim, alyas “Raffy,” 45 taong gulang, at residente ng Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga residente kaugnay ng insidente ng pamamaril. Pagdating sa lugar, tumambad sa mga awtoridad ang biktima na nakahandusay sa kalsada, tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan, subalit idineklara na itong dead on arrival ng kanyang doktor.

Narekober sa crime scene ang sampung (10) basyo ng bala at dalawang (2) fired bullets na pinaniniwalaang mula sa isang caliber .45 na baril.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.