Isang lalaki ang pinagbuburulan na ngayon matapos mapatay sa bugbog ng dalawang kalalakihan sa isang burol sa Purok Singko, Barangay Gastav sa bayan ng Banisilan sa Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Arsenio Baylon na may trabaho samantalang ang mga suspek na sina alyas Ryan at Ranillo na pawang mga residente sa lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na lasing ang biktima ng dumalaw ito sa lamay ng ina ng mga suspek nang biglang magtalo ang tatlo.

Nagawa pa umanong pigilan ng mga residente at nakasaksi ang gulo subalit bigla na lang na binigbog ng dalawang suspek ang biktima sa mukha at katawan nito sanhi upang mawalan ito ng malay.

Agad pang naisugod ang biktima sa pagamutan ngunit Dead on Arrival na ito ayon na rin sa attending physician. Nahuli naman agad ang dalawang suspek at nasa kustodiya na ito ng kapulisan.