Sugatan ang isang lalaki matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Ataw, Barangay Tulunan, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur pasado alas-9:00 ng umaga kanina
Kinilala ni PNP Spokesman Lt. Col. Jopy Ventura ang biktima na si Aldren Arendain Almento, 41 anyos, may asawa, at residente ng Upper Lot 1, Sogod, Apopong, General Santos City.
Ayon sa paunang imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang isang silver Toyota Innova (LGN 455) nang bigla itong ratratin ng suspek. Tinamaan si Almento ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago tuluyang nakatakas ang gunman sa hindi pa matukoy na direksyon
Agad na isinugod sa ospital ng Talayan Municipal Police Station ang biktima upang mabigyan ng lunas.
Sa follow-up operation, nakumpiska mula kay Almento ang isang malaking heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu, isang caliber .45 pistol, at ilang bala. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa likod ng pamamaril.