Isang lalaki ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad matapos masangkot sa umano’y pagnanakaw sa Barangay Rosary Heights 5, Cotabato City.

Kinilala ang complainant sa alyas na “Rusab”, 47-anyos, isang government employee at residente ng nasabing lugar. Ang suspek naman ay kinilalang sa alyas na “Wahid”, 20-anyos, walang trabaho at residente ng Barangay Rosary Heights 3.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng hapon noong Enero 8, 2026, boluntaryong sumuko ang suspek kay City Councilor Nasrodin “Jonas” Mohammad sa Barangay Poblacion 9. Agad siyang isinailalim sa kustodiya ng mga rumespondeng pulis at dinala sa himpilan para sa tamang disposisyon.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang noong Disyembre 30, 2025, nadiskubre ng biktima na wasak ang bintana ng kanilang silid at nawawala ang ilang mahahalagang gamit tulad ng relo, alahas at perang nakalagak sa loob ng kwarto. Napansin din na nabawasan ang laman ng alkansiya ng kanilang anak.

Lumabas sa follow-up investigation na ilang beses umanong pumasok ang suspek sa bahay ng biktima madaling-araw sa magkakaibang petsa at tinangay ang mga gamit na may kabuuang halagang tinatayang ₱633,000. Kabilang sa mga ito ang mga alahas, cash, isang green Rolex watch, at isang police watch na kalauna’y nabawi ng mga awtoridad.

Itinuturing ng pulisya na materyal na pakinabang ang motibo sa insidente. Patuloy ang imbestigasyon habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek.