Isang lalaking impostor at nagpapanggap na empleyado ng Ministry of Social Services and Development-BARMM ang hinuli ng kapulisan matapos na makapanloko ito ng mga nagnanais na maging benepisyaryo ng 4PS o Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa dako ng Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte kahapon, Setyembre 23.
Sa ulat ng kapulisan, tumungo umano sa kanilang himpilan ang isang biktima umano ng suspek upang maipagbigay alam ang isinasagawang pangingikil ng mga suspek sa mga biktima na maging miyembro o ma-upgrade ang kanilng 4Ps kapalit ng salapi.
Agad namang umaksyon ang kapulisan at dito na nahuli sa akto ang pinakaprimarya na suspetsado na hawak ang mga dokumento, mga ids, smartphone at mga pera na mula sa mga nakikilan nito.
Kinilala ng mga biktima ang mga suspek na nagpakilala bilang si Badrudin Bansuan at isang senior citizen na kinilala sa pangalang Nanay Eden na siyang may ari ng bahay.
Agad naman na tumanggi si Nanay Eden na kasabwat ito sa panloloko ni Bansuan at giniit nitong ginamit lang din ang kanyang pamamahay ng suspek upang tumanggap ng pera.
Base sa salaysay ng nabiktima, una nang nakapanloko si Bansuan sa kapatid nito at nakakulekta ng mahigit sa 2,000 pesos bago pa man sya mabiktima at makapagsumbong sa kapulisan.
Dahil dito, nagpaalala ang MSSD BARMM na wala silang tinatanggap na bayad sa mga gustong maging benepisyaryo ng 4P’s at iginiit nito na di sa kanila konektado o empleyado si Bansuan.
Sa ngayon, himas rehas na ang dalawa upang harapin ang kasong Usurpation of Authority and Official Functions sa ilalim ng Article 177 ng revised penal code at Estafa.