Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱3.7 milyon sa Task Force Davao checkpoint sa Barangay Sirawan, Davao City, bandang alas-4:20 ng hapon nitong Linggo, Oktubre 5, 2025.
Kinilala ang suspek sa alyas “Jade,” isang estudyante at residente ng Magsaysay, Carmen, Davao del Norte. Ayon sa ulat, napansin ng mga tauhan ng Task Force Davao na tila balisa ang suspek habang ipinasasailalim sa X-ray scanner ang kanyang bag.
Makalipas ang ilang sandali, napansin umano ng mga otoridad na may nahulog na sachet ng puting kristal na substansiya mula sa kanyang gamit. Dahil dito, agad siyang ininspeksyon at pinakapan ng mga pulis sa checkpoint.
Lalong nabalisa ang suspek, dahilan upang utusan siyang itaas ang kanyang suot na sweater kung saan tumambad ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na nakasabit sa kanyang baywang.
Nakumpiska mula sa kanya ang iba’t ibang pakete ng umano’y shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,757,000.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.