Kinasuhan na kahapon sa piskalya ang isang lalaki matapos nitong biglaang sakalin ang isang babaeng pasahero sa isang pampasaherong jeep sa Bago Aplaya, Davao City.

Kinilala ang suspek bilang si alyas “Poloy,” 26-anyos, na haharap sa kasong physical injury at grave coercion ayon sa Baliok PNP.

Nag-viral sa social media ang video ng insidente kung saan makikitang sinakal ng suspek ang biktimang si alyas Elysa, residente ng Purok 12, Bago Aplaya.

Nagkaroon ito ng pasa sa leeg dahil sa pag-atake ng suspek, na mula naman sa Cemento, Brgy. Talomo Proper.

Depensa ni Poloy, nagawa niya ang krimen dahil sa matinding stress matapos pumanaw ang kanyang asawa.

Dagdag pa niya, nawalan siya ng trabaho at may dalawang anak na kailangang buhayin.

Dahil sa nangyari, napagbuhatan din ng kamay ang suspek ng mga nakasaksi, dahilan para siya rin ay magtamo ng pasa at sugat sa katawan.