Arestado ng mga tanod ng Mother Barangay Bagua sa Cotabato City ang isang lalaki na kilala sa alyas na “Taktak” matapos ireklamo ng pangingikil sa mga usher o nagpapataya ng Small Town Lottery (STL)
Ayon kay Barangay Chairperson Norhassim “Lily” Ayunan-Pasawiran at Peace and Order Committee Chair na si Kagawad King Fahad Datumanong, matagal nang inirereklamo si Taktak ng mga STL usher dahil sa sapilitang paghingi umano ng 15% mula sa kanilang koleksyon. Nagbabanta pa raw ang suspek na babarilin ang sinumang hindi susunod
Ilang ulit nang pinatawag si Taktak sa barangay hall para harapin ang mga reklamo ngunit hindi ito sumisipot. Dahil dito, napilitang kumilos ang mga tanod upang siya’y arestuhin
Sa isinagawang pagkapkapan, nakuha sa suspek ang isang hindi lisensyadong baril at tatlong sachet ng hinihinalang shabu
Mariin namang itinanggi ni Taktak ang lahat ng paratang laban sa kanya. Ayon sa kanya, wala siyang ginagawang masama at hindi rin umano sa kanya ang mga nasabat na ebidensya
Tiniyak naman ni Police Station 4 Commander PMaj. Albert Carillo na dadaan sa tamang proseso ang imbestigasyon. Aniya, mahalaga ang mga testimonya at resulta ng laboratory tests upang matukoy ang katotohanan sa likod ng insidente
Dagdag pa ng opisyal, ang kapulisan ay nakabase sa siyensya at katotohanan, kaya’t sisiguruhin nilang patas ang magiging resulta ng imbestigasyon.