Ilang kapulisan ng RMFB 14B sa Lamitan City, Basilan ang nakaranas ng hazing at iba pang uri ng pagmamaltrato sa loob ng kanilang kampo.
Ayon sa inisyal na ulat, ang mga sangkot sa insidente ay kapwa mga pulis na nakatalaga sa parehong yunit.
Dahil dito, agad na inilagay sa relief status ang lahat ng personnel na may kaugnayan sa kaso at kasalukuyang nasa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) Headquarters sa Parang, Maguindanao del Norte para sa masusing imbestigasyon.
Pansamantalang pinalitan ng RMFB 14A ang mga na-relieve na personnel upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at mapanatili ang kaayusan sa yunit.
Naganap ang insidente noong Pebrero 5, 2026, kung saan dalawang pulis ang isinugod sa ospital para mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Sa pamamagitan ng opisyal na pahayag, matindi ang pagkondena ng PNP sa anumang uri ng hazing at maltreatment, at tiniyak ng awtoridad na walang palusot sa mga nasabing paglabag.
Ayon sa kanila, patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at masiguro ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran laban sa hazing at anumang pang-aabuso sa hanay ng kapulisan.

















