Ipinahayag ni Governor Mamintal “Bombit” Adiong Jr. na lubos nang nakahanda ang lalawigan ng Lanao del Sur para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na gaganapin sa darating na Oktubre 13, 2025.

Ayon sa gobernador, isa itong makasaysayang pagkakataon para sa mga Bangsamoro na magkaroon ng direktang boses sa pagpili ng kanilang mga kinatawan sa parliyamento. Hinimok niya ang lahat ng mamamayan na makilahok sa halalan at gawing makabuluhan ang panahong ito para sa rehiyon.

Isinagawa na umano ang serye ng mga kampanya at konsultasyon sa iba’t ibang bayan ng lalawigan bilang paghahanda. Tiniyak naman ng Commission on Elections (COMELEC) na nasa tamang oras ang produksyon ng mga balota at ang isasagawang testing ng Automated Counting Machines (ACMs).

Lubos ding pinasalamatan ni Adiong si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo sa kanyang papel sa pagpapalakas ng ugnayan ng Bangsamoro region at ng Malacañang. Aniya, naging daan si SAP Lagdameo upang maiparating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pangangailangan at adhikain ng mga komunidad sa Bangsamoro.

Sa huli, nanawagan si Adiong sa mga kandidato at tagasuporta na pairalin ang kapayapaan, respeto, at pagkakaisa sa buong panahon ng kampanya.

Aniya, “Hindi lamang ito isang eleksyon. Isa itong hakbang tungo sa mas maunlad at mapayapang kinabukasan para sa Bangsamoro.”