Lumagpas na sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng patuloy na tensyon at digmaan sa Middle East.
Sa pagbubukas ng kalakalan noong Linggo sa Chicago Mercantile Exchange, tumaas ng 2.54 porsiyento ang US benchmark na West Texas Intermediate (WTI) at umabot sa $100.22 kada bariles.
Samantala, ang Brent Crude, na kinikilalang international benchmark ng langis, ay umakyat din ng 2.88 porsiyento at naitala sa $106.11 kada bariles.
Bagama’t mataas ang presyo, mas mababa pa rin ito kumpara sa matitinding paggalaw ng presyo na naitala sa mga nakaraang linggo ng kalakalan.
Batay sa mga ulat, tumaas na ng humigit-kumulang 40 hanggang 50 porsiyento ang benchmark oil prices mula nang magsimula ang pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28.
Dahil dito, nangangamba ang mga ekonomista na maaaring bumagal ang paglago ng ekonomiya at lalo pang lumala ang inflation sa iba’t ibang bansa.
Nakadagdag din sa pagtaas ng presyo ang pagbawas ng produksyon ng ilang estado sa Gulf region, habang may mga oil tanker na naantalang makabiyahe dahil sa tensyon sa lugar.
Halos nananatiling sarado rin ang Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng tinatayang 20 porsiyento ng pandaigdigang export ng langis at natural gas.
Ayon kay Chris Wright, Energy Secretary ng United States, posibleng magdulot lamang ng panandaliang pagtaas ng presyo ang pagsasara ng naturang ruta.
Dagdag pa niya, may posibilidad na matapos ang digmaan sa loob ng mga susunod na linggo.
Nagbabala naman ang International Energy Agency na maaaring magdulot ang sigalot sa Middle East ng isa sa pinakamalaking pagkaantala sa suplay ng langis sa kasaysayan ng pandaigdigang merkado.
Samantala, lalo pang naapektuhan ang suplay matapos targetin ng United States at Israel ang ilang pasilidad sa Iran, kabilang ang oil export hub sa Kharg Island.

















