Arestado ang isang lalaking kinilalang si alyas Tito matapos magpaputok ng M203 grenade launcher sa Barangay Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur noong gabi ng Hunyo 3, 2025.
Ayon sa ulat ng Datu Montawal Municipal Police Station (MPS) na pinamumunuan ni PCPT Nurjhasier A. Sali, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang alas-10:47 ng gabi kaugnay ng isang malakas na pagsabog sa naturang lugar. Agad silang rumesponde sa insidente.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na nagkaroon ng mainit na pagtatalo si alyas Tito at ang kanyang pamilya. Dahil umano sa kalasingan, nauwi ito sa pagpapaputok ng M203. Nang malaman ng pulisya ang tangkang pagtakas ng suspek, agad silang nagsagawa ng pursuit operation.
Sa kabila ng tensyonadong sitwasyon, matagumpay na naaresto ng mga awtoridad ang suspek at nakumpiska mula sa kanya ang dalawang piraso ng 40mm Cartridge High Explosive at ang M203 launcher.
Sa kabutihang palad, walang naiulat na nasugatan sa insidente. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Datu Montawal MPS ang suspek habang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanya, kabilang ang paglabag sa batas ukol sa illegal na pag-iingat ng pampasabog.