Isang dating kasapi ng armadong grupong BIFF ang pormal na sumuko sa militar at nagsuko ng kanyang M16 rifle sa isang aktibidad na isinagawa noong Enero 20, 2026 sa Municipal Hall ng Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao del Sur. Ang turn-over ceremony ay pinangunahan ni BGEN Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, kasama ang 33rd Infantry Battalion at lokal na pamahalaan ng Mamasapano.

Ayon sa ulat ng militar, kinilalang si Sala Guiaman Guiamadel ang sumukong indibidwal, na kusang-loob na nagsuko ng kanyang baril bilang bahagi ng proseso ng pagbabalik-loob. Ayon sa mga awtoridad, ang pagsuko ay kaugnay ng mga mensahe na ipinalaganap sa pamamagitan ng aerial leaflet dropping ng 601st Brigade sa ilalim ng 6th Infantry (Kampilan) Division. Ang mga leaflets ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga programang handog ng pamahalaan para sa mga nais talikuran ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa lipunan.
Kabilang sa mga target ng kampanya ang natitirang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya–Hasan Group (DI-HG). Pinangunahan ng 33rd Infantry Battalion ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, na sinaksihan din ng ilang opisyal ng militar at lokal na lider ng bayan.
Ayon sa militar, patuloy ang kanilang information operations at community engagement upang mahikayat ang iba pang armado na sumuko, kasabay ng pagpapatuloy ng mga operasyong pangseguridad sa mga lugar na may presensya ng armadong grupo. Samantala, nanawagan ang mga awtoridad sa mga komunidad na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang maiwasan ang muling pag-usbong ng karahasan at mapanatili ang kaayusan sa mga apektadong lugar.

















