Patuloy ang imbestigasyon sa Lebak, Sultan Kudarat matapos makumpiska ng Lebak Municipal Police Station ang malaking bilang ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Aurelio Freires kahapon, Pebrero 19, 2026.

Ayon sa mga awtoridad, natuklasan ang mga kontrabando habang nagsasagawa ng routine patrol at monitoring ang mga operatiba bilang bahagi ng kanilang pagsisiyasat sa mga kahina-hinalang aktibidad sa lugar.

Napansin ng mga pulis ang dalawang indibidwal na biglang umalis sa site, dahilan upang magsagawa ng masusing inspeksyon at doon na nadiskubre ang mahigit isang daang kahon ng smuggled na sigarilyo na kaagad inimbentaryo sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs at mga lokal na opisyal ng barangay.

Kabilang sa nasamsam ang 142 kahon ng President cigarettes at 98 kahon ng Aris cigarettes, na may tinatayang halaga na ₱10,268,160.00 ayon sa valuation ng Customs. Ang mga ito ay dinala sa Lebak MPS para sa tamang dokumentasyon at pagproseso.

Ang pangunahing suspek ay si alyas “Hamdan,” 48 anyos, may asawa at nakatira sa Lebak. Patuloy ang pagtugis sa kanya at sa iba pang posibleng sangkot sa iligal na bentahan ng sigarilyo.