Mas pinabilis na ang pag-uulat ng krimen at kahina-hinalang aktibidad sa lungsod! Pormal nang inilunsad kahapon, Huwebes, Hulyo 31, 2025, ang CCPO Crime Alert Application sa isang seremonya sa City Plaza na pinangunahan ng Cotabato City Police Office (CCPO) at City Community Affairs and Development Unit (CCADU).
Nanguna sa aktibidad si PMAJ Mary Jane A. Culanag, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Jibin M. Bongcayao, ang City Director ng CCPO. Panauhing pandangal at tagapagsalita naman si Cotabato City Vice Mayor Hon. Johair S. Madag.
Layunin ng bagong mobile app na mapatatag pa ang ugnayan ng pulisya at komunidad sa pamamagitan ng mas madali, mabilis, at episyenteng paraan ng pagrereport ng mga insidente. Sa isang tap lang sa cellphone, puwede nang agad iulat ang krimen, kahina-hinalang kilos, o anumang banta sa seguridad.
Tampok din sa programa ang demo ng app kung saan ipinaliwanag ang mga pangunahing tampok nito gaya ng real-time reporting, user-friendly interface, at madaling access para sa lahat.
Isa itong malaking hakbang tungo sa mas ligtas at mas alertong Cotabato City!