Namahagi ng 2,500 sako ng bigas at 1,000 grocery packs ang Project TABANG o Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan sa mga pamilyang nasalanta ng pagbaha sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur noong Mayo 22.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda ang mga residente mula sa Datu Anggal Midtimbang, Talayan, at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur, at Mother Kabuntalan at Northern Kabuntalan sa Maguindanao del Norte — mga lugar na labis na naapektuhan ng biglaang pagbuhos ng ulan.
Nauna nang nagbigay ng tulong ang Project TABANG noong Mayo 21 sa anim na bayan ng Maguindanao del Sur: Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Ampatuan, Mamasapano, at Guindulungan. Bawat bayan ay tumanggap ng 500 sako ng bigas at 200 grocery packs.
Ayon sa Project TABANG, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at lider-komunidad upang masigurong maayos at pantay ang pamamahagi ng ayuda. Inihahanda na rin ang karagdagang tulong tulad ng serbisyong pangkalusugan at kabuhayan para sa mga susunod na yugto ng pagbangon.