Nakaramdam ng matinding pagkagulat ang mahigit 25,000 residente ng bayan ng Lice sa Diyarbakir province sa Turkey matapos nilang masinghot ang makapal na usok mula sa sinunog na higit 20 toneladang kumpiskadong marijuana ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat, dahil sa sobrang kapal ng usok, napilitan ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga bahay nang halos limang araw. Hindi rin nila mabuksan ang kanilang mga bintana upang makaiwas sa masamang epekto ng usok.
Ilan sa mga karanasang idinulog ng mga residente ay pagkahilo, pagsusuka, at hallucination o ang panandaliang pagkawala sa katinuan dahil umano sa epekto ng marijuana na kanilang nalanghap.
Ayon sa isang lokal na grupo, bagama’t matagumpay ang kampanya kontra ilegal na droga, mali umano ang naging paraan ng pagsunog ng mga ebidensya. Dapat umano itong isinasagawa sa mas ligtas na lugar at mayroong kaukulang filter upang hindi malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga residente.
Patuloy ang panawagan ng grupo sa mga kinauukulan na repasuhin ang proseso ng pagsira sa mga nakumpiskang ilegal na droga upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.