Sa botong 22 pabor at walang tumutol o nag-abstain, tuluyang pinagtibay ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2965 o ang Free Funeral Services Act na layuning magbigay ng libreng serbisyo sa libing para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Ang panukala ay magbibigay ng tinatawag na “Indigent Funeral Package” para sa mga pamilyang nasa krisis at itinuturing na mahirap batay sa itinakdang poverty threshold ng National Economic and Development Authority (NEDA) at sa ilalim ng Republic Act No. 8425.

Saklaw ng package ang libreng pagproseso ng funeral documents, embalming, serbisyo ng libing o cremation, transportasyon, pati na ang kabaong, urn, at lugar para sa burol o seremonya.

Ayon sa panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagtukoy ng kuwalipikadong benepisyaryo at sa pakikipag-ugnayan sa mga accredited funeral homes sa buong bansa.

Obligado ring magpatupad ng iisang standard package ang lahat ng funeral establishments, anuman ang laki o lokasyon, upang matiyak ang pantay na serbisyo para sa lahat ng mahihirap na pamilya.

Isinulong ang batas bilang tugon sa madalas na pasaning gastusin ng mga pamilyang kapos sa buhay tuwing may pagpanaw sa kanilang hanay.