Isang lindol na may paunang lakas na magnitude 6.2 ang yumanig sa Kanlurang Chugoku sa Japan nitong Martes, Enero 6, kasunod ng sunud-sunod na malalakas na aftershocks, ayon sa Japan Meteorological Agency.

Ayon sa ahensya, ang epicenter ng lindol ay nasa silangang bahagi ng Shimane Prefecture, at tiniyak nila na walang banta ng tsunami.

Ipinakita sa mga surveillance camera ang pagyanig sa iba’t ibang lungsod sa rehiyon ng Chugoku bandang alas-10:18 ng umaga (oras lokal, 0118 GMT).

Nagpahayag ang Chugoku Electric Power, operator ng Shimane Nuclear Power Station na nasa humigit-kumulang 32 km ang layo, na normal pa rin ang operasyon ng kanilang No.2 unit. Samantala, sinabi ng Japan Nuclear Regulation Authority na walang anumang aberya na naitala matapos ang lindol.

Nagpabatid naman ang West Japan Railway na pansamantalang itinigil ang operasyon ng Shinkansen bullet train sa pagitan ng Shin-Osaka at Hakata kasunod ng lindol.

Tinatayang may lakas na upper-5 sa 1-7 intensity scale ng Japan ang lindol, sapat para maging mahirap ang paggalaw nang walang suporta.

Karaniwan ang lindol sa Japan, isa sa mga pinaka-seismically active na bansa sa mundo. Ayon sa tala, humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng mga lindol sa buong mundo na may magnitude 6 o higit pa ay nangyayari sa Japan.