Sumuko sa mga awtoridad ang isang lalaki na pinaniniwalaang nagsilbing lookout sa naganap na pananambang sa convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan noong Enero.

Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, nasa kustodiya na ngayon ng kanilang tanggapan ang naturang indibidwal at inaasahang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon hinggil sa utak sa likod ng tangkang pagpaslang sa alkalde.

Sa isinagawang briefing, sinabi ni Lotoc na may alam umano ang suspek sa mga detalye ng pagpaplano ng krimen, kabilang na kung sino ang nag-organisa at kung sino ang pinaniniwalaang mastermind ng ambush.

Kinumpirma naman ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na nagsilbing lookout ang lalaki nang maganap ang pananambang noong Enero 25.

Sa ulat, tinambangan ng mga armadong lalaki ang convoy ni Mayor Ampatuan habang pauwi ito. Pinaputukan pa umano ng rocket-propelled grenade ang sports utility vehicle ng alkalde.

Hindi naman nasaktan ang alkalde sa insidente, subalit dalawang miyembro ng kanyang security detail ang nagtamo ng sugat.

Sinabi ni Matibag na balak ng NBI na irekomenda ang pagsasailalim sa lalaki sa Witness Protection Program upang masiguro ang kanyang kaligtasan habang tumutulong sa imbestigasyon.

Samantala, ibinahagi ni Lotoc na nakapagsumite na ng extrajudicial confession ang indibidwal, ngunit tumanggi siyang isapubliko ang nilalaman nito habang isinasagawa pa ang pagsusuri kung maaari itong tanggapin bilang state witness.

Sa paunang impormasyon, inamin umano ng lalaki na binayaran siya ng halagang 15,000 pesos kapalit ng kanyang papel sa operasyon.

Dagdag pa ng opisyal, napilitan umanong sumuko ang lalaki matapos makatanggap ng impormasyon na may naglalagay na ng patong sa kanilang ulo, dahilan upang mangamba siya para sa sariling kaligtasan at ng kanyang pamilya.