Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa pamamaril at pagpatay kay Renante “Ren” Tampus, 35 taong gulang, may-ari ng isang beauty salon sa Daproza Avenue, Barangay Dadiangas West, General Santos City.

Kinumpirma ni Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., City Director ng General Santos City Police Office (GSCPO), ang pagkakadakip kay alias “Troy,” na ngayon ay nasa kustodiya ng Pendatun Police Station.

Si alias “Troy” ang sinasabing lookout sa nasabing krimen.

Arestado siya sa kanilang bahay noong Huwebes ng gabi, Enero 16, bandang alas-10:30.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tatlo ang itinuturing na suspek sa krimen.

Patuloy na nananawagan ang GSCPO sa publiko na makipagtulungan sa pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa paghuli sa dalawa pang suspek—ang driver at ang gunman na kinilalang si Lito Rehang.

Napag-alaman din na ang gunman ay kamag-anak umano ng karelasyon ng biktima na si Keid Jomare Esmael.

Si Tampus ay pinatay sa loob ng kanyang salon noong Enero 15, pasado alas-6 ng gabi.

Ang motibo sa krimen ay sinasabing alitan sa negosyo ng oil retail, na kinasasangkutan ng biktima at ng kanyang kasosyo.