Isa sa nakikitang rason ng pagbaril sa isang lalaki sa isang barangay sa bayan ng Datu Odin Sinsuat Maguindanao del Norte ang anggulong love triangle.

Ito ang sinabi sa isang pahayag ni DOS Police Investigator SSgt. Bernoulli Johnson Lauban.

Ayon kay Lauban, alas sais ng gabi noong Agosto 17, minamaneho ni Kadil Zaman, 23 at isang construction worker na residente ng Magelco sa Barangay Capiton ng nasabing bayan ang kanyang Honda XRM 125 at angkas nito ang kanyang asawa na si Juhairah Blah, 16.

Pagsapit ng dalawa sa Sitio Pangi, Barangay Taviran ay pinagbabaril na ito ng hindi nakilalang gunman na sakay din ng motorsiklo dahilan upang tamaan sa balikat si Zaman habang ligtas naman ang babaeng si Blah.

Dahil sa takot ayon kay Lauban tumakbo ang biktima sa madilim na bahagi ng lugar at isang oras na bago ito nahanap dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Bagama’t maraming anggulo na lumilitaw, sinabi ni SSgt. Lauban na love triangle ang pinakamalapit na motibo ng krimen matapos maikwento ng biktimang lalaki na dating may karelasyon ang kanyang misis.

Samantala, ang suspek na nakatakas ay posibleng mahaharap sa kasong frustrated murder ayon kay Lauban.

Hinahanap na sa ngayon ng mga otoridad ang suspetsado upang mapapanagot sa krimen nito.