Pormal nang naging Tropical Depression Kiko ang low-pressure area na namataan sa silangan-hilagang-silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa ulat ngayong Miyerkules ng umaga (Setyembre 3, 2025), tinatayang nasa 1,170 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon ang sentro ng bagyo. May lakas ito ng hangin na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at may bugso na aabot sa 70 kilometro kada oras, habang kumikilos ito pa-hilaga sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa at hindi rin inaasahang direktang makakaapekto ang bagyo sa kalupaan o sa kondisyon ng karagatan sa Pilipinas.

Ayon sa PAGASA, posibleng lumakas pa ito at maging tropical storm pagsapit ng gabi o bukas ng madaling araw. Inaasahan ding tuloy-tuloy itong kikilos pa-hilaga patungong Southern Japan at makakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong hapon.

Pinaalalahanan ng ahensya ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at sundin ang mga abiso, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pagbaha at pagguho ng lupa.