Patuloy na mino-monitor ng weather bureau ang isang low pressure area na nakaaapekto sa lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bandang alas-3 ng hapon kanina, huli itong namataan sa layong humigit-kumulang 1,570 kilometro sa silangan ng northeastern Mindanao. Ayon sa weather bureau, nananatiling mababa ang posibilidad na maging ganap na bagyo ang nasabing sama ng panahon sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, dahil sa epekto ng shearline o ang salubungan ng mainit at malamig na hangin, inaasahan ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas, Bicol Region, at iba pang lugar sa Caraga.

Sa pagtaya naman ng panahon sa BARMM, inaasahang makararanas ang rehiyon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms.

Pinag-iingat ang publiko dahil posible itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na kung magpapatuloy ang malalakas na buhos ng ulan o kung magkakaroon ng severe thunderstorm.