Patuloy na mababa ang posibilidad na tuluyang maging ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng susunod na 24 oras.
Sa pinakahuling monitoring, ang nasabing LPA ay matatagpuan nasa humigit-kumulang 260 kilometro silangan-timog silangan ng Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagama’t patuloy na binabantayan ang posibleng paglakas ng LPA sa mga darating na araw, sa kasalukuyan ay nakapaloob ito sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at inaasahang magdudulot lamang ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Binigyang-diin ng ahensya na maaaring magdulot ang mga pag-ulan ng biglaang pagbaha at pagtaas ng tubig sa ilog sa siyam na rehiyon:
Region 4B (MIMAROPA)
Region 6 (Western Visayas)
Region 7 (Central Visayas)
Region 8 (Eastern Visayas)
Region 9 (Zamboanga Peninsula)
Region 10 (Northern Mindanao)
Region 11 (Davao Region)
Region 12 (SOCCSKSARGEN)
Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)
Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na magbantay sa mga abiso ng PAGASA, lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar at malapit sa ilog at baybaying dagat.
















