Umabot sa mahigit ₱2.4 milyon ang halaga ng iligal na droga na nasabat ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa kanilang pinaigting na anti-crime operations mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 30, 2025.

Batay sa ulat ng CCPO, 27 operasyon kontra droga ang kanilang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 37 indibidwal. Kabilang ito sa mga pangunahing tagumpay ng tanggapan sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Jibin M. Bongcayao.

Hindi lamang droga ang tinutukan ng kapulisan. Sa kampanya kontra loose firearms, limang insidente ang narespondehan—kung saan isang baril ang nakumpiska, apat ang kusang isinuko o ideposito ng mga sibilyan, at isang suspek ang naaresto.

Samantala, 17 wanted persons ang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon. Sa kampanya laban sa illegal gambling, dalawang operasyon ang ikinasa na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek.

Naitala rin ng CCPO ang isang kaso ng pamamaril na matagumpay na naresolba at na-clear ng mga imbestigador.

Patuloy ang panawagan ng CCPO sa publiko na makipagtulungan sa kanilang kampanya para sa isang ligtas at payapang lungsod. Anumang kahina-hinalang aktibidad ay maaaring i-report sa 911 o sa CCPO hotline na 0997-5445-872.