Patay ang mag-ama habang sugatan naman ang isang babae matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur, bandang 8:30 ng umaga, nitong Oktubre 13, 2025.
Kinilala ang mga nasawi na sina Abusama K. Agao, alyas “Kumander Boy Negro,” isang kilalang MNLF kumander (Sema Faction) at barangay kagawad ng Brgy. Matagabong, at ang kanyang anak na si Norodin Agao, miyembro ng Barangay Peace Action Team (BPAT) ng naturang barangay.
Sugatan naman ang anak ni Abusama na si Jahara Agao, na agad isinugod sa pinakamalapit na pagamutan matapos ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Ampatuan Municipal Police Station (MPS), sakay umano ng tricycle (payong-payong) ang mga biktima at papunta sa Brgy. Kapinpilan upang dumalo sa isang selebrasyon. Pagsapit sa lugar ng insidente, bigla na lamang silang pinaputukan ng mga suspek na sakay ng itim na Honda XRM motorcycle, na agad tumakas matapos ang pamamaril.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek. Nakikipag-ugnayan na rin ang Ampatuan MPS sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa isinasagawang pursuit operation laban sa mga tumakas na salarin.