Isang lalaki ang nasawi habang nakaligtas naman ang kanyang asawa matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa boundary ng Barangay Maluao at North Manuangan, ngayong hapon bandang 3:51.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay PMSgt. Jovan Tobias, imbestigador ng Pigcawayan PNP, sakay ng XRM na motorsiklo ang mag-asawa mula sa Barangay Maluao nang sila’y harangin ng isang lalaki na nagtanong bago agad nagpaputok sa biktimang lalaki.

Masuwerte namang nakatakbo ang babae matapos niyang maramdaman ang nakaambang panganib bago pa man siya mapaslang.

Agad namang binawian ng buhay ang kanyang asawa matapos tamaan ng bala sa ulo.

Dalawa umano ang hinihinalang suspek sa krimen, ngunit hindi pa matukoy ang ginamit na uri ng baril.

Samantala, tinangay ng mga salarin ang motorsiklo ng mag-asawa ngunit iniwan din ito matapos magkaroon ng problema sa manibela.

Patuloy ang imbestigasyon ng Pigcawayan PNP sa insidente at nananawagan sa sinumang may impormasyon na lumapit sa mga awtoridad upang mapabilis ang paglutas ng kaso.

Pinayuhan rin ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi makaapekto sa imbestigasyon.