Isang mag-asawang miyembro ng Communist NPA Terrorists (CNT) ang sumuko sa 36th Infantry Battalion (36IB) sa bayan ng Carmen, Surigao del Sur noong Oktubre 3, 2025.

Kinilala ang mga sumuko na sina Demar Quinonez Montenegro, alyas “Jansen”, Vice Commanding Officer ng Platoon 2, at ang kanyang partner na Jacheel Canon Ayoste, alyas “Riza”, na nagsilbing medic ng grupo.

Ayon sa ulat, kapwa sila dating kasapi ng Sub-Regional Sentro de Gravidad (SRSDG) Westland sa ilalim ng North-Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC). Sa kanilang pagsuko, isinuko rin nila ang dalawang high-powered firearms — isang M16 rifle at AK-MS assault rifle — kasama ang mga rifle grenades, bala, magasin, at medical supplies na kanilang itinago sa kabundukan ng Tandag City at Tago.

Ayon kay Montenegro, napilitan silang sumuko dahil sa patuloy na presyon mula sa militar, kawalan ng suporta sa masa, gutom, at matinding pagod na kanilang naranasan sa kabundukan.

Ipinahayag naman ni Lieutenant Colonel Joselito B. Ante Jr., Commanding Officer ng 36IB, na patuloy na humihina ang puwersa ng mga rebeldeng grupo sa rehiyon mula pa noong Hunyo 2025, bunga ng pakikipagtulungan ng mga pamilya at komunidad sa mga awtoridad.

Samantala, nanawagan si Colonel Manuel Darius M. Resuello, Acting Commander ng 901st Brigade, sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko na sa mapayapang paraan, at tiniyak na ipagpapatuloy ng militar ang mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan ng Surigao del Sur.