Malagim ang kinasapitang trahedya ng isang mag-asawa matapos na maging biktima ang mga ito ng naganap na insidente ng pamamaril sa bahagi ng Barangay Sapakan, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur dakong alas 3:20 ng hapon, kahapon.
Kinilala ang biktimang babae na si Guiani Mantikayan habang himalang nakaligtas ang mister nito na si Abedin Mudal na pawang na mga residente ng Baryo Damatulan sa bayan ng Nabalawag, SGA-BARMM.

Ayon sa imbestigasyon, sakay ng kanilang kulay blue na Honda XRM na payong payong ang mga biktima habang binabaybay ang provincial road ng Barangay Sapakan.
Habang papalapit sa lugar, nilapitan na ito ng isang unidentified riding in tandem na suspek at pinaputukan hanggang sa mapatay si Mantikayan.
Nakuha sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala ng di pa tukoy na baril.

Agad naman na kinurdunan ng mga kawani ng Rajah Buayan PNP ang pinangyarihan ng insidente at agad din ito na nagsagawa ng hot pursuit operation katuwang ang AFP upang maaresto ang mga tumakas na suspek.
Patuloy naman na nagiimbestiga sa insidente ang kapulisan upang matukoy ang motibo at dahilan ng nasabing pamamaril sa magasawa.