Sugatan at duguan ang isang lalaking magbabakal-bote matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Kakal, Ampatuan, Maguindanao del Sur, dakong alas-3 ng hapon kahapon, Abril 22.
Kinilala ang biktima na si Norodin Andal, residente ng Isulan, Sultan Kudarat. Ayon sa mga kaanak, regular na umiikot si Andal gamit ang kanyang traysikel upang mangalakal ng bote at bakal. Pagdating niya sa nasabing lugar, bigla na lamang siyang pinaputukan ng mga armadong lalaki na hinihinalang lulong sa ilegal na droga. Pinaniniwalaang napagkamalan siyang police asset ng mga suspek.
Dahil sa insidente, nahulog sa kanal ang traysikel ng biktima, habang nagtamo naman siya ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan at kalauna’y inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center dahil sa kritikal niyang kondisyon.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.