Binawian ng buhay ang dalawang magkapatid matapos umanong hampasin ng martilyo ng kanilang sariling ama sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay 17, Gingoog City, lalawigan ng Misamis Oriental.

Kinilala ang suspek bilang si alyas Munding. Sa kanyang pag-amin sa mga awtoridad, nasa loob lamang umano ng bahay ang mag-aama nang kunin niya ang martilyo at sunod-sunod na ipinalo sa ulo ng kanyang mga anak na sina alyas Jomel, 19, at Jose, 21.

Ayon pa sa suspek, inisip lamang daw niya na baboy ang kanyang pinupukpok kaya hindi siya umano nakaramdam ng pag-aalinlangan o awa habang isinasagawa ang krimen.

Agad na nasawi si Jomel sa lugar ng insidente, habang idineklarang dead on arrival sa ospital si Jose dahil sa matitinding sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa imbestigasyon, kapwa may iniindang mental health issues ang dalawang biktima bago mangyari ang insidente.

Sinabi naman ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil sa matinding kahirapan sa buhay at sa paniniwalang matatapos na umano ang kanilang pagdurusa kung wala na ang kanyang dalawang anak.

Sa panayam sa asawa ng suspek na si alyas Minyang, inilahad nito na madalas umanong uminom ng alak si Munding at hindi nagbibigay ng sapat na suporta sa kanilang pamilya.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek, habang desidido naman ang asawa nitong magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.