Dalawang estudyante na magkapatid ang muntik nang malunod matapos ma-trap sa rumaragasang baha habang tumatawid sa ilog sa Barangay Balogo, Guihulngan City, Negros Oriental.
Ayon kay Barangay Chairman Jeffrey de la Rita, pauwi na mula sa eskwela ang magkapatid nang bigla silang abutan ng flash flood. Nakapitan pa ng mga bata ang ugat ng puno habang mabilis na rumesponde ang mga residente para mailigtas sila sa gitna ng rumaragasang tubig.
Sa isang post nitong Setyembre 7, ibinunyag ni Chairman de la Rita na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) First Engineering District ang dapat sisihin dahil hindi natapos ang spillway project na nagkakahalaga umano ng halos limang milyong piso.
Ibinahagi pa ng kapitan ang mga larawan ng naturang hindi pa natatapos na proyekto sa kanyang social media account.