Isang insidente ng pagnanakaw ang naitala pasado alas-5 ng hapon nitong Sabado sa Upper Pinnen, Barangay RH6, Cotabato City, matapos salakayin ng isang kawatan ang isang nakaparadang sasakyan at tangayin ang baterya nito.

Ayon sa video post ni Barangay Chairman Mohammad Nur Oyod, sapul sa CCTV footage ang suspek na lalaking nakasuot ng kulay abong t-shirt habang unti-unting lumalapit sa isang top-down jeep. Mabilis at maingat na tinanggal ng suspek ang baterya ng sasakyan bago ito tumakas.

Bunsod ng insidente, nag-alok si Kapitan Oyod ng ₱10,000 na pabuya sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng salarin.

Giit pa ng barangay chairman, mahigpit ang kanyang paninindigan laban sa anumang uri ng krimen sa kanilang lugar. Aniya, hindi siya mangingiming sugpuin ang ganitong klaseng panlalamang sa kanyang nasasakupan.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang Barangay Local Government Unit (BLGU) sa kapulisan upang agad na matukoy at madakip ang nasabing magnanakaw.