Niyanig ng isang lindol ang Baguio City at mga karatig na lugar ngayong umaga, Oktubre 9, 2025. Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang pagyanig alas-10:30 ng umaga na may lakas na magnitude 4.8 at lalim na 10 kilometro.
Natukoy ang sentro ng lindol sa 2 kilometro hilagang-silangan ng Pugo, La Union.
Naitala ang Intensity V sa Lungsod ng Baguio; Intensity III sa Aringay, La Union; Bontoc, Mountain Province; at Sison, Pangasinan. Samantala, Intensity II naman ang naramdaman sa San Fernando, La Union; Nampicuan, Nueva Ecija; at Lungsod ng Dagupan, habang Intensity I sa Lingayen at Urdaneta, Pangasinan.
Wala pang ulat ng pinsala o nasugatan matapos ang pagyanig. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga posibleng aftershocks at sumunod sa mga abiso ng PHIVOLCS at lokal na awtoridad.