Naaresto ang isang Regional Target List (RTL) personality sa ikinasang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) at Philippine National Police (PNP) sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte kahapon, March 19, 2026.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Charlie, 49 anyos, na nakalista bilang RTL personality. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng PDEA-BARMM Jail Facility at naghihintay ng inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kasama sa nakumpiskang ebidensya ang 16 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigit-kumulang 26 grams ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng Php 176,800.00 sa pamilihan.

Nakuha rin ang buy-bust money, assorted drug paraphernalia, isang identification card, at isang Android mobile phone na pinaniniwalaang ginagamit sa iligal na transaksyon.

Ayon sa mga awtoridad, ang operasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PDEA-PNP laban sa illegal drugs sa rehiyon, upang tiyakin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga komunidad sa BARMM.