Isang magsasaka ang nasawi habang dalawa naman sa kanyang kasama ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga hindi pa tukoy na salarin sa Purok 10, Kibia, Matalam, Cotabato dakong alas-2:38 ng hapon nitong Sabado.

Kinilala ng Matalam Municipal Police Station ang nasawi na si Renato Arivalo Labagnao alyas Rey, isang lokal na magsasaka. Sugatan naman at isinugod sa pagamutan sina Antony Supleo, 22, at Conrado Cabaya, 43, na nagtamo lamang ng minor injuries.

Ayon sa salaysay ng mga kaanak, magkakaangkas sa iisang motorsiklo ang tatlong biktima at pauwi sana mula sa pinuntahan nilang sabong nang tambangan sila.

Agad namang nagtungo sa lugar ng insidente ang Matalam PNP upang magsagawa ng malalim na imbestigasyon at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.