Patay ang isang magsasaka habang sugatan naman ang kanyang misis matapos silang tambangan ng armadong lalaki sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte kagabi, pasado alas-8 ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Samuel Lamis, residente rin ng nasabing barangay. Ayon sa inisyal na ulat ng Parang Municipal Police Station, pauwi na umano mula sa bukid sina Lamis at ang kanyang asawa nang harangin at pagbabarilin ng suspek na kinilalang si Jonathan, na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Dead on the spot si Lamis matapos magtamo ng mga tama ng bala sa likod, habang nagtamo naman ng sugat ang kanyang asawa na patuloy ngayong nagpapagaling.
Sa salaysay ng kanilang anak, nauna silang naglalakad kasama ang kanilang ina at isa pang kapatid habang naiwan sa likuran ang kanilang ama. Doon na raw biglang sumulpot ang suspek at pinaputukan si Lamis. Sinubukan pa sanang lumaban ang anak ngunit umatras na lamang upang hindi madamay ang kanyang pamilya.
Agad na rumisponde ang mga kapitbahay at kaanak, subalit huli na nang madatnan si Lamis na wala nang buhay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, away sa lupa ang tinitingnang motibo sa krimen.
Samantala, humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima at nananawagan ng agarang aksyon mula sa mga kinauukulan.