Kumilos ang Midsayap Police Station kahit holiday matapos nilang maaresto ang isang lalaking kabilang sa listahan ng Top 6 Regional Level Most Wanted Person sa isinagawang operasyon sa Midsayap Integrated Terminal sa Barangay Sadaan, Midsayap, Cotabato, nitong umaga ng Nobyembre 1.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek sa alyas na “Par,” 33 taong gulang, may asawa, residente ng Barangay Solo, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, at kasalukuyang nagtatrabaho bilang magsasaka.
Ayon sa ulat ng Midsayap PNP, ang pagkakaaresto kay “Par” ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest para sa tatlong bilang ng rape at tatlong bilang ng qualified rape na inisyu ng Regional Trial Court Branch 22 sa bayan ng Kabacan noong Oktubre 16 ng kasalukuyang taon.
Sa bisa ng naturang warrant, agad na dinakip ng mga operatiba ang suspek matapos itong matukoy sa terminal area. Wala namang naitalang anumang pananlaban o karahasan sa operasyon.
Dahil non-bailable ang mga kasong kinahaharap, nasa kustodiya na ng Midsayap PNP ang suspek habang isinasagawa ang mga kaukulang legal na proseso.
Inihahanda na rin ng pulisya ang pagbabalik ng warrant sa korte na naglabas nito, bilang bahagi ng dokumentasyon at pormal na pagsasara ng operasyon.
Ayon pa sa mga awtoridad, ang matagumpay na pagkakaaresto ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa mga wanted person sa rehiyon upang mapanatili ang katahimikan at seguridad sa North Cotabato at mga karatig-lugar.

















