Isinagawa ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ang isang Peace Dialogue sa pagitan nina Sukarno Ampatuan at Basco Pasawilan, MNLF Commander ng Misuari Faction, nitong ika-31 ng Disyembre 2025 sa kanilang himpilan. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan, militar, at kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at pagkakaunawaan sa komunidad.

Si Major Michael Almojade, OIC ng 33IB, ang kumatawan sa pamunuan sa nasabing pagtitipon, na sinigurong maayos at organisado ang pag-uusap ng magkabilang panig. Katuwang ang Rajah Buayan Municipal Police Station sa pangunguna ni P/Cpt Joel S. Lebrilla, Chief of Police, tinalakay sa dialogue ang mga isyu at hindi pagkakaunawaang naging sanhi ng tensyon sa lugar.

Ayon sa ulat, naipahayag ng bawat panig ang kanilang saloobin at hinaing sa bukas at tapat na talakayan, na nagbigay-daan sa mas malinaw na pag-unawa sa isa’t isa. Binigyang-diin sa pag-uusap ang kahalagahan ng pagrespeto sa kasunduan, pagpapanatili ng katahimikan, at pag-iwas sa anumang gawain na maaaring magdulot ng karahasan o alitan.

Sa pagtatapos ng dialogue, nagkaisa ang panig nina Sukarno Ampatuan at Basco Pasawilan na ipagpatuloy ang mapayapang komunikasyon at pagtutulungan para sa ikabubuti ng kanilang komunidad. Kasama sa suporta ang kanilang mga kinatawan, kabilang si Hon. Baby Ampatuan, Punong Barangay ng Sampao.

Ang nasabing aktibidad ay itinuturing na konkretong hakbang sa pagtutulungan ng militar, kapulisan, at komunidad para sa pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.


















