Isinailalim sa Red Alert Status ang lalawigan ng Maguindanao del Sur matapos maglabas ng Executive Order No. 030, Series of 2025 si Governor Datu Ali M. Midtimbang nitong Nobyembre 7, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Severe Tropical Storm Fung-Wong (Uwan) na inaasahang lalakas bilang super typhoon pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa naturang kautusan, inatasan ng gobernador ang lahat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMCs) sa lalawigan na magsagawa ng mga hakbang sa paghahanda upang mabawasan ang posibleng pinsala ng paparating na sama ng panahon.
Ayon sa PAGASA, bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa Mindanao ang sentro ng bagyo, maaari pa rin nitong maapektuhan ang lalawigan sa pamamagitan ng malalakas na ulan, pagbaha, pagguho ng lupa, at matitinding hangin dahil sa lawak ng sirkulasyon ni Uwan.
Kasunod ng kautusan, na-activate ang Provincial Emergency Operations Center (EOC) upang magsagawa ng 24/7 monitoring, koordinasyon, at pagtugon kaugnay ng lagay ng panahon. Pinag-utos din ang pagsiguro sa kahandaan ng mga evacuation centers, ang pagpre-position ng mga kagamitan at suplay, at ang malawakang pagbibigay ng impormasyon sa mga barangay na madalas bahain o may mataas na antas ng panganib.
Inaatasan din ang mga disaster councils sa antas panlalawigan at pambayan, kasama ang mga kaukulang ahensya, na magpatuloy sa koordinasyon upang matiyak ang maagap at sabayang pagtugon sa anumang posibleng epekto ng bagyo.
Epektibo agad ang Executive Order No. 030 sa oras ng paglagda at mananatiling ipinatutupad habang nananatili ang banta ng bagyong Uwan. Patuloy naman ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa pakikipag-ugnayan sa PAGASA at sa mga lokal na pamahalaan para sa patuloy na pagbabantay at mabilis na pagresponde sa magiging sitwasyon.

















