Naaresto ang isang lalaki sa isang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Maguindanao del Sur matapos itong mahuling nagbebenta at may dalang mga iligal na armas at bala.
Kinilala ang suspek bilang si alyas Guiadz, 29 anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Poblacion 2, Cotabato City. Isinagawa ang operasyon bandang alas-dos ng hapon nitong Enero 9, 2026, sa national highway ng Poblacion, Buluan.
Narekober sa suspek ang isang 5.56 caliber rifle na walang serial number, isang short magazine para sa 5.56 rifle, labingwalong bala para sa 5.56 pistol, isang 9mm revolver pistol na walang serial number, apat na bala para sa 9mm revolver, 109 pirasong one thousand peso bills bilang boodle money, isang lehitimong one thousand peso bill bilang dusted money, at isang green backpack. Nasaksihan ng mga lokal na opisyal ng Buluan ang inventory ng mga ebidensya.
Patuloy na nagpapaalala ang kapulisan sa publiko laban sa iligal na bentahan at pagmamay-ari ng mga armas bilang bahagi ng kampanya para sa seguridad at kapayapaan sa rehiyon.

















