Mariing tiniyak ng Cotabato City Police Office na gagawin nila ang lahat upang matukoy at madakip ang mga responsable sa pamamaril na ikinasawi ni Julhamin Tato Abang, 25 anyos, isang payong-payong driver at residente ng Purok Islam, Rosary Heights 6, Cotabato City.

Naganap ang insidente bandang 7:29 ng umaga sa Barangay Poblacion, Cotabato City, habang sakay ang biktima sa kanyang kulay pink na payong-payong na motorsiklo na hindi rehistrado, nang pagbabarilin umano sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ng dalawang lalaking suspek na gumamit ng .45 caliber na baril. Limang basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Agad na isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa Cotabato Regional Medical Center, subalit idineklara na itong dead on arrival ng attending physician.

Ayon sa pulisya, may tinutukoy na silang person of interest, ngunit patuloy pa ang beripikasyon sa pagkakakilanlan nito. Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Kaagad namang nagsagawa ng dragnet at lockdown operations ang magkasanib na puwersa ng Mobile Patrol Unit, City Mobile Force Company, Police Station 1, at mga Police Visibility Posts sa mga karatig-lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon, personal na alitan at posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang tinitingnang motibo sa krimen. Patuloy pa ang crime scene processing, follow-up investigation, at pagkuha ng CCTV footage upang mabilis na matukoy at maaresto ang mga suspek.

Sa pahayag ng pulisya, “Makikita at mahahanap namin kung sino ang gumawa nito,” kasabay ng panawagan sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang mapabilis ang resolusyon ng kaso.